top of page

Ano ang "Power Relations"?

Ang salitang “kapangyarihan”, malawak at malalim man ang saklaw ng kahulugan at pagpapakahulugan nito, ay tumutukoy sa kakayahan ng isang tao na mag-dikta ng ugali at gawa ng ibang tao. Kung gayon, kahit ito man ay hindi nahahalata nang nakararami, ang kapangyarihan ay isang konseptong gumaganap ng isang malaking bahagi sa araw-araw na pakikisalamuha ng bawat tao sa isa’t isa. Isang magandang halimbawa ng pagganap ng kapangyarihan o ang papel nito sa araw-araw na buhay ay makikita sa moda ng ating pag-sasalita o ang ginagamit na wika: ang mga salita na ginagamit natin para makipag-usap sa ating mga kaibigan ay naiiba sa mga salita na ginagamit natin sa ating mga magulang; ang ating wika ay nakadepende kung mas makapangyarihan sa atin ang ating kausap o hindi.

Mula sa personal o indibidwal na baiting, tulad ng nabanggit sa taas, ang usapin ng kapangyarihan ay tumatagos hanggang sa antas ng lipunan. Sa mas malawak na usapin na ito—ang kapangyarihan at ang lipunan—pwedeng isipin na ang bawat mamamayan ay naka-posisyon sa kanilang lipunan batay sa kanilang kapangyarihan. Mula sa ganitong pag-iisip, ang ugali at gawain ng isang indibidwal ay nakabatay sa kanyang posisyon sa lipunan. Sa pangkalahatan, ang relasyon at talaban ng kapangyarihan sa pagtatakda ng ugali at gawa ng tao sa lipunan, at ang naturiang posisyon ng tao sa lipunan batay sa kanilang kapangyarihan ay ang tinutukoy ng konseptong “ugnayang-pangkapangyarihan” ("power relations".

Bilang isang paksa sa disiplina ng Sosyolohiya, ang konsepto ng ugnayang-pangkapangyarihan ay mabigat at mahalaga sapagkat napapaloob sa usaping ito ang kaayusan at balangkas ng lipunan. Sa kasalukuyan, maraming mga teorya na tumatalakay sa ugnayang-pangkapangyarihan sa lipunan, ang ilan sa mga teoryang ito ay gumagamit ng pagtingin na may hangong: 1) “Marxism analysis”, at, 2) “Post-modern analysis”.

Ang unang pagtingin (“Marxism analysis”) ay nakabatay sa ideya na ang kapangyarihan ay naiimbak sa mga istruktura at institusyon ng lipunan; may kapangyarihan ang mga indibidwal base sa kanilang uri, at mayroong likas na imbakan ng kapangyarihan ang mga institusyong panlipunan tulad ng relihiyon (simbahan), pamilya, at edukasyon (mga paaralan). Salungat naman dito ang pagpapakahulugan ng “ugnayang-pangkapangyarihan” ayon sa “Post-modern analaysis” na nagsasabi na ang kapangyarihan ay tunay na napapakita at nababatid sa mga interaksyon ng mga mamamayan sa isa’t isa. (Balan, 2010)

Ang malaking bahagi ng konsepto ng ugnayang-pangkapangyarihan na gagamitin sa diskursong ito ay ayon sa mga dogma na inilalahad ng perspektibong “Post-modern analysis”, sa partikular, kukunin sa mga nai-ambag na sulatin ni Michel Foucoult ang karamihan sa mga ideya na gagamitin para maipaliwanag ang konsepto ng “ugnayang-pangkapangyarihan”.

Ang mga ideya ni Michel Foucault tungkol sa ugnayang-pangkapangyarihan:

Bago pa man maintindihan ang konsepto ng ugnayang-pangkapangyarihan, marapat munang pasadahan ang ilang mga konsepto ng kapangyarihan sa lipunan. Ayon kay Foucault (Foucault, 1979) may tatlong uri o pamamaraan ng paggamit ng kapangyarihan para pamahalaan ang ugali at gawa ng ibang tao. Ang tatlong pamamaraan na ito ay ang

  • “Hierarchical Observations”—Ang pagpilit ng paggawa gamit ang isang demonstrasyon na sa simula ay pinapamasdan, at gayon, pinapagaya. Magandang halimbawa nito ay ang mga pagsasanay na ginagawa ng militar na nakaukol sa pagtuturo ng mga bagong sundalo.

  • “Normalizing Judgment”—Ang pagtama sa mga hindi karaniwan na mga ugali ng ilang indibidwal. Kasama na dito ang pag parusa at kasunod, ang pagbabago ng indibidwal para tumugma ang mga ugali at gawa nito sa pamantayan ng lipunan. Ang mga pamantayan ng lipunan sa kontekstong ito, ay ang mga nakasanayang o karaniwang ugali at gawain ng karamihan ng mga mamamayan. Mahahahalintulad ang pamaraang ito sa mga ginagamit sa paaralan, kung saan dinidisiplinahan ang mga estudyanteng hindi nakakasunod sa palatuntunin ng paaralan. Sa malawak na aspeto naman ng lipunan, ang pamamaraan na ito ay tumutukoy sa sistema ng pagkukulong sa mga criminal na lumalabag sa batas.

  • “Examination”—Ito ay tumutukoy sa nakasanayan na mga examinasyon na ginagawa sa paaralan, pati na rin ang mga medikal na eksaminasyon sa mga ospital. Ang pamamaraan na ito ay isang pagsasama ng naunang dalawa. May halong “pagmamasid” ng nakatataas (ng mga guro at mga doctor) na katuwang na parusa base sa mga resulta ng eksaminasyon.

Kung gayon, ayon parin kay Foucault, may dalawang anyo ng ugnayang-pangkapangyarihan ang uusbong sa nasabing pamamaraan ng paggamit ng kapangyarihan sa lipunan, ang mga ito ay ang:

  1. “Juridical Power Relations”—Ang anyo ng ugnayang-pangkapangyarihan na mapagbawal. Halimbawa nito ay ang mga batas sa lipunan na bawal tumawid sa hindi tawiran, bawal magnakaw, bawal mangopya ng sagot sa kaklase, bawal ang hindi wastong sipi ng isang gawa ng ibang tao, at iba pa.

  2. “Disciplinary Power Relations”—Ito ang anyo ng ugnayang-pangkapangyarihan na nagpupuwersa ng gawa at pag-iiba ng ugali sa ibang tao. Halimbawa ay ang pagsunod sa nauukol na wastong kasuotan sa mga paaralan, ang paggalang sa mga nakakatanda, ang pagpapanguna o pagpapaimportante sa mga nakakatanda at may mga kapinsala sa mga pampublikong sasakayan, at iba pa.

Mga kahulugan at pagpapakahulugan ng “Ugnayang-pangkapangyarihan” na nag mula sa mga gawa ni Michel Foucault na magagamit sa diskurso ng ugnayang-pangkapangyarihan sa sitwasyon ni Sisa:

Isang mahalagang punto na makukuha sa mga ideya ni Foucault ay ang paglalagay ng diin sa papel ng pakikisalamuha ng tao sa isa’t isa para mabatid ang ugnayang-pangkapangyarihan na gumagabay sa mga nasabing tao. Malaking elemento o salik ng “kapangyarihan” at “ugnayang-pangkapangyarihan” ay hindi nakikita at nasusukat; ang mga ito ay natatamasa at nararamdaman lamang ng mga sangkot sa paggamit ng nasabing kapangyarihan. At dito papasok ang halaga ng gagawing pagsusuri kay Sisa.

Masasabi man na ang Noli ay isang nobelang naka direkta sa pagsisiyasat sa mga abuso ng kapangyarihan ng mga Frayle...puno pa rin ito ng iba't ibang salaysay tungkol sa pakikitungo ng tao sa isa't isa. Ang litrato ay iniangkat mula sa: “Project Gutenburg, EBook of Noli Me Tangere, as translated by Pascual Poblete” http://www.gutenberg.org/files/20228/20228-h/20228-h.htm

Masasabi man na ang Noli Me Tangere ay isang nobelang nakadirekta sa pagsisiyasat sa mga abuso ng kapangyarihan ng mga Frayle, at kung gayon, nakaayon sa kaisipan na ang kapangyarihan ay naiimbak sa mga institusyon, hindi maikakaila na puno pa rin ito ng iba’t ibang salaysay tungkol sa pakikitungo ng tao sa isa’t isa—at dito gagamitin ang mga konsepto ng “ugnayang-pangkapangyarihan” na iniangkat mula sa mga gawa ni Foucault.

Bukod pa dito, makikita sa mga pananaw ni Foucault, ang malaking papel ng pagtingin o pagmasid ng isang tao sa kapwa; mayroon ng implikasyon patungkol sa “ugnayang-pangkapangyarihan” ang isang sulyap o pagmamasid ng tao sa kapwa. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nabanggit din ang halaga ng sulyap o pag-mamasid ng tao sa isa’t isa sa nobelang Noli, partikular na sa isang pangyayari kay Sisa:

  • Nang malagay na siya sa guitna ng dalawa’y naramdaman niyang siya’y namamatay ng hiya…Ang tunay na kahihiya’y nakakakita ng tumitingin sa alin mang dako…Napagtatalastas niya ang kanyang kahirapan, nalalaman niyang sa kanya’y wala sino mang tumitingin at sampu ng kanyang asawa’y hindi siya ipinagmamalasakit; ngunit tunay na alam niyang siya’y may kapurihan at kinalulugdan ng madla hanggang sa oras na iyon; hanggang sa oras na iyo’y kanyang kinahahabagan yaong mga babaeng nangagdaramit ng katawatawa na pinamamagatan ng baying kaagulo ng mga sundalo. Ngayo’y tila mandin sa ganang kanya’y napababa siya ng isang baiting sa kinalalagyan ng mga babaeng iyon sa hagdanan ng buhay—Chapter XXI (“Kasaysayan ng buhay ng isang ina”)

At bilang panghuli, makukuha sa mga ideya ni Foucault ang pagtutuon ng pansin sa indibidwal na talaban ng kapangyarihan. Imbis na suriin ang malawakang pwersa ng “ugnayang-pangkapangyarihan” na gumagabay sa lipunan, na makikita sa mga institusyon, pamahalaan, at iba pa, mas wastong siyasating ang mismong mga direktang sangkot at direktang biktima sa mga mekanismo ng “ugnayang-pangkapangyarihan”, ang mga marginalisado, at ang mga dinidiskrimina; at dahil dito, tumpak ang paggamit sa mga ideya ni Foucault sa pagaaral sa sitwasyon ni Sisa; dahil si Sisa ay isang dakilang ehemplo ng isang dinidiskriminang tao.

Sanggunian:

Rizal, J., Noli Me Tangere, isinalin sa wikang Filipino ni Pascual H. Poblete, nabawi mula sa: “Project Gutenburg, EBook of Noli Me Tangere, as translated by Pascual Poblete” http://www.gutenberg.org/files/20228/20228-h/20228-h.htm

Balan, S., “M. Foucault’s View on Power Relations”, Cogito: Mutlidisciplinary Res. J. 2 (2010): 193

Foucault, M., The Will to Knowledge—The History of Sexuality vol.1, London, 1976

Foucault, M., “Two Lectures” and “Truth and Power”, In: Colin Gordon (ed.), Power/Knowledge – Selected Interviews and Other Writings 1972-1977, New York, 1980

Foucault, M., Discipline and punish: the birth of the prison, New York, 1979

Foucault, M., “The Subject and Power”, In: Critical Inquiry, vol.8, no.4, Chicago, 1982

Sorensen, M., Foucault on Power Relations, nakuha mula sa isang artikulo,: http://www.irenees.net/bdf_fiche-notions-242_en.html, Grenoble, September 2014


bottom of page