Kasarian, Uri, Katayuan: Ang tatlong uri ng diskriminasyon kay Sisa
Ang tauhan ni Sisa sa Noli Me Tangere ay biktima ng kanyang lipunan dahil sa kanyang pagiging babae, uri na kanyang kinabibilangan, at kung paano tinitingnan ng mga matang mapanghusga ang kanyang katayuan sa buhay. Sa bahaging ito ay ating tatalakayin kung paano si Sisa ay inabuso at inalipusta dahil sa kanyang kasarian, uri, at katayuan sa lipunan.
Una, ang pagiging babae ni Sisa. Si Sisa ay nasa murang edad pa lamag nang nakapag-asawa siya ng isang basagulero, lasenggo, sugarol, at mapang-abusong lalake. Mayroon silang dalawang anak na nagngangalang Crispin at Basilio.
Bilang babae, tinitingnan si Sisa na mahina ng kanyang asawa kaya’t siya ay minamaltrato at sinasaktan nito. Kung ating iisipin, para na ring hinubaran at pinagsamantalaan ang pagkababae ni Sisa ng kanyang asawa. Ibinenta ang kanyang mga alahas upang matustusan ang bisyo nito sa pagsasabong at nakatikim pa ito ng dahas sa mga kamay nito. Hindi pinahalagahan ang kanyang pagiging asawa. Nasa balikat ni Sisa ang lahat ng responsabilidad bilang magulang. Siya lamang ang kumalinga sa kanilang mga anak. Tanging si Sisa na ang umako sa pagpapanatili ng kanilang tahanan. Higit sa lahat, hindi pinahalagahan ng mga naghaharing uri sa lipunan (e.g. guardia civil, prayle, etc.) ang kanyang pagiging ina. Si Sisa ay pinagkaitan ng karapatan na ipagtanggol ang kaniyang anak laban sa maling paratang. Kahit na lumuhod na siya sa pagmamakaawa at mapaos ang kanyang boses sa kasisigaw, ipinagsawalang-bahala ng mga ito ang karapatan niya bilang isang ina na makamit ang hustisya para sa kanyang anak. Sa kasamaang palad, siya pa ay inaresto at ikinulong. Ang kawalan ng pag-asa ni Sisa sa paghahanap sa kanyang anak na si Crispin ay inilarawan ni Rizal sa pamamagitan ng mga katagang ito: “The wails of that mother were more lugubrious than those unknown lamentations on the dark night when the storm rages.”
Pangalawa, ang pagiging kabilang ni Sisa sa uri ng mga sadlak sa kahirapan. Isa na rin marahil ito kung bakit hindi siya nakapagtapos sa kanyang pag-aaral. Ating alalahanin na sa panahon na kanyang ginagalawan noon, sinisiil ang kanilang mga karapatan lalo iyong sa mga mahihirap at kababaihan. Sa gayon, isa na rin itong sanhi kung bakit hindi makaalis si Sisa sa kanyang uri na kipapalooban.
Ang tanging hanapbuhay ni Sisa upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan ay ang pagiging isang mananahi ng damit. Sa kasamaang palad, kahit na natapos na niya ang kanyang trabaho, madalas ay hindi siya binabayaran sa kanyang mga gawa. Makikita natin dito na si Sisa ay nakararanas ng hindi pantay na pagtrato bilang isang manggagawa dahil siya ay isang payak na mamamayan lamang.
Bukod pa rito, mas matinding karalitaan ang dinanas ni Sisa sa mga makapangyarihan sa lipunan. Upang ilarawan ang kaniyang kahirapan na dinanas, nabanggit ni Sisa sa nobela ang mga katagang ito: “It is because we are poor, and we the poor must endure everything!” Ang ipinapatungkol dito ay ang kanilang mga abusong natanggap sa kamay ng mga prayle at guadia civil. Siya ay inalipusta ng mga naghaharing-uri na ito. Naghihirap sila dahil sa sila ay mahirap. Ang ganitong karanasan ni Sisa ay hindi lingid sa kaalaman ng nakararami. Sa makatwid, ang buhay ni Sisa ay naging tema na ng pelikula, sining, dulaan, at tula. Sa tula ni Luis Tizon na “Song a Madwoman Sang One May”, inilarawan niya ang saloobin ni Sisa patungkol sa kanilang paghihirap sa kamay ng mga prayle: “Don’t ask, the priest says I’ve no price”. Samakatwid, si Sisa (at iyong mga kagaya niyang mahihirap) ay tinitingan bilang basura ng lipunan na kanilang kinasasadlakan.
Pangatlo, ang katayuan ni Sisa sa lipunan. Ang pagkakulong ni Sisa ay nagdulot sa kaniya ng malaking kahihiyan. Isa na rin itong dahilan upang husgahan siya ng mga tao. Ang pagkamatay ng kaniyang anak ay nagdulot ng isang malaking delubyo kay Sisa. Isa iyong napakasakit na tagpo ng buhay niya sa punto na mawalan siya ng bait. Si Sisa, sa mata ng llipunan, ay tinitingnan bilang baliw. Naging palaboy-laboy siya sa kahahanap sa kaniyang isang anak. Kinukutya at pinagtatawanan ng mga tao. Higit sa lahat, ang kalagayan ni Sisa ay nagbunga ng pang-aabuso sa kanya. Siya na nga ang umako ng lahat ng responsibilad bilang magulang, siya pa ngayon ang pinagbubuntuan ng sisi sa kinahinatnan ng kaniyang mga anak.
Si Doña Consolacion ang isa sa mga nagsamantala sa kaawa-awang kalagayan ni Sisa. Noong siya ay mapahiya at masuklam nang dahil sa kanyang asawa, ipinatawag niya si Sisa mula sa kwartel na pinagkakakulungan nito. Inutusan niya ito na kumanta. Ngunit dahil hindi nakakaintindi si Sisa ng wikang Kastila at isa pa, wala na ito sa tamang pag-iisip, nagalit si Doña Consolacion at kinuha ang latigo ng kanyang asawa. Inutusan niya ulit si Sisa na sumayaw ngunit hindi nga siya maintindihan ni Sisa. Nang hindi ito sumunod, doon na nakatikim si Sisa ng mga latay ng latigo. Ito ay isang kalapastangan sa kalagayan ni Sisa. Sa bahaging ito, makikita natin ang pang-aabuso sa kahinaan ni Sisa ng mga taong makapangyarihan sa lipunan.
Sa huli, ang tauhan ni Sisa ang ginamit ng aming pangakat sapagkat sinasaklaw ng kaniyang karakter ang mga usapin ng kasarian, uri, at katayuan sa lipunan. Si Sisa na siyang tinanggalan ng karapatan, inalipusta, at pinagsamantalaan.
Sanggunian:
Bocobo, J.C. (1990). Light and Freedom. Quezon City, Philippines: Bustamante Press.
Rizal, Jose. (2007). Noli Me Tangere [The Social Cancer. A Complete English Version of Noli Me Tangere. (Poblete, P., Trans.). (Original work published 1887). Retrieved from http://www.gutenberg.org/files/6737/6737-h/6737-h.htm.
Tizon, L.B. Jr. (1975). An Anthology of Poems, 1965/1974: Song a Madwoman Sang One May. Manila, Philippines: Bureau of National and Foreign Information, Department of Public Information.