top of page

Ang Mga Subanen At Ang Konsepto Ng Kapangyarihan


Bila og glibun, og bosi non og baba’ non “Sa babae, ang sandata ay ang kanyang salita.” (As for a woman, her weapon is her mouth) [Hall, 1987]


Ang linyang ito ay nagsasaad na ang kababaihan sa kulturang Subanen ay ‘di hamak na mas diretso magsalita, sa mga kuwentong isinasalaysay nila, at sa mga tanong na binoboses, lalo na ang mga nakatatandang kababaihan. Ang kalakasan ngayon ay nasusukat sa mahigit isang paraan: hindi man makalaban ang babaeng Subanen sa isang pisikal na away, kaya niyang makapagsalita, at lamang siya sa mga kalalakihan pagdating sa kagalingang bumigkas at ipaglaban ang sarili at ang kapwa nang direkta.

Sa artikulong ito, susuriin natin ang pagsasalaysay ni Nenita Condez, isang babaeng lider ng mga Subanen (tinatawag na gukom libon o gukom le) sa mga karanasan ng kanyang komunidad at sa mga suliraning kinakaharap nila sa kasalukuyan. Makikita rin natin kung anu-ano ang maaari nating maging kontribusyon at pakikisama sa kanilang mga kinakaharap.

(c) Imahe mula sa Google


Ang mga Subanon, na tinatawag rin minsan na Subanen, ay matatagpuan sa mga probinsya ng Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur, at sa siyudad ng Zamboanga sa isla ng Mindanao sa Pilipinas.

Ang kanilang pinakahanapbuhay ay ang pagsasaka, at ang kanilang kadalasang itinatanim ay palay at bigas. Nagtatanim rin sila ng mais at niyog. Ang kanilang tradisyunal na panghanapbuhay ay pagtotroso, ngunit ang iba na nakatira sa may tabing-dagat ay natutong mangisda at magkalakal. Kahit na mahihinuha na limitado ang mga oportunidad na makapag-aral ang mga Subanen, marami ang nakagamit ng mga pasilidad na maaaring gamitin sa pag-aaral at pag-abot sa mga posisyon nila bilang mga guro, mga empleyado sa gobyerno, mga mambabatas, at mga doktor. Malaki ang pagpapahalaga ng mga Subanen sa edukasyon dahil na rin sa hirap na makamtan ito. Ang populasyon ng mga Subanen ay umaabot sa tatlumpung libo (30,000) sa kasalukuyan. Ang kanilang relihiyon ay tradisyunal na nakabase sa paniniwala at sa pagsasadakila ng mga espiritu at anito.

Ang mga kasuotan naman nila ay kadalasang may mga kulay na itim, pula at puti. Ang mga kababaihan ay madalas magsuot ng pulang hikaw at mga kwintas. Tulad ng ibang mga tribo, maraming mga kanta tulad ng Ginarang o Migboat, Basimba, Gatagan, at Sirdel o Sumumigaling, na nilikha ang mga Subanen para sa iba’t ibang okasyon. Sinasabayan nila ito ng pagtugtog ng mga instrumento tulad ng kulintang (gongs), kutapi, sigitan, lantoy, kulaying, at tambubok sa mga kanta at sayaw para sa mga kasal at iba pang mahahalagang okasyon. Mayroon rin silang mga sayaw para sa mga giyera at ritwal, na kanilang isinasagawa gamit ang taltal tuwing pagtitipon.


Ang istrukturang politikal ng mga Subanen ay patriarkal, kung saan ang pamilya ang pinakasimpleng yunit ng gobyerno. Walang makikitang hirarkiyang pulitikal sa mga Subanen, ‘di tulad ng mga ibang pamayanang Lumad at Moro na may sistema ng sultanato o kaya’y datu. Gukom ang tawag nila sa pinakamataas na posisyon sa kanilang komunidad. Ang katawagang ito ay hindi iginagawad sa kahit sino lamang, ngunit hindi rin ito pinagbobotohan. Ayon kay Gukom Condez (linya 50-58), nakabase sa kapasidad na mamuno o magdumala ng komunidad ang pagiging gukom. Iginagawad rin ito sa mga kagalang-galang at karapat-dapat na irespetong mga tao, sapagkat sila ang tutulong na ayusin ang mga bagay-bagay kung kinakailangan. Bukod dito, tungkulin at responsibilidad ng mga tao sa kanilang pamayanan na alagaan ang isa’t isa sa kanilang pamilya, at pagsikapan na maghanap ng buhay ng kaginhawaan para sa kanilang mga anak at asawa.

Ang paniniwala ng mga Subanen sa kalikasan ay makapangyarihan at banal, kung kaya’t mataas rin ang posisyon sa kanila ng mga tinatawag na baylan o pinunong relihiyoso at ispiritwal. Pwedeng magritwal ang mga gukom kapag marunong siya o kaya’y may kapasidad siya, ngunit hindi lahat ng gukom ay baylan, at hindi lahat ng baylan ay may kapasidad maging gukom. Ang mga baylan ang nagsasagawa ng mga ritwal o seremonya upang magpagaling ng mga may sakit.


Upang makapagdesisyon para sa pamayanan, kinokonsulta ng mga gukom ang komunidad kung ano ang dapat gawin. Ang pagmulta rin ay ibinabase sa opinyon ng komunidad, hindi galing sa gukom. Inaaprubahan ito ng komunidad bago isakatuparan ng gukom kung kaya’t mayroong nakatagong pagkakasundo na nagaganap sa kanilang mga hukuman. May partisipasyon ang kada myembro ng pamayanan sa batas. Wala itong kinakampihan, at patas na naigagawad ng mga lider.

(c) Imahe mula sa Museo sa Kampuhan sa UP Diliman (2016)

Ibinahagi ni Gukom Condez (linya 16-27) na ang mga kababaihang Subanen ay bahagi sa mga gawaing ekonomiya, at kasali palagi sa pulitika. Aktibo ang kababaihan sa kanilang pamayanan kung kaya’y nirerespeto sila ng mga kalalakihan ng siyudad. Hanggang ngayon, ang mga kababaihan at kalalakihan sa kanyang siyudad ay sama-samang naghahanapbuhay, at ayon sa kanya, “walang mababa na pagtingin sa kababaihan namin.” Ito ay isang mabuting bagay sapagkat nakikita na walang gaanong nagaganap na diskriminasyon o kung ano mang pagkakaiba sa kapangyarihan ng mga mamamayan sa loob ng kanilang komunidad sa Zamboanga. Malakas rin ang impluwensiya ng konsepto ng “kapwa” sa lugar na ito ng Mindanao.

Ang kasalukuyang ikinakaharap naman ng mga Subanen ay nakakonekta sa pagmamay-ari ng lupa na ibinahagi sa kanila ng kanilang mga ninuno. Nang mag-umpisa ang giyera sa pagitan ng MNLF at Armed Forces of the Philippines sa Mindanao, napapagkamalang kasapi ng NPA ang mga Lumad at Moro, kung kaya’t inumpisahang bombahin ang kanilang mga siyudad. Sa kwento ni Gukom Condez, militarized na ang lugar nila doon sa Zamboanga. ‘Di niya na rin magawang makausap ang kanyang mga anak at asawa dahil sa patuloy na paghahanap sa kanya ng mga militar. Naikwento niya rin ang naganap na insidente noong Oktubre 17 nang sagasaan ng isang pulis na nagmamaneho ng trak ang isa sa mga lider ng Lumad na naroon rin sa Kampuhan. Ipinahawag niya ang kanyang ninanais na makilala man lang ng gobyerno ang kanilang lakas at kapasidad, sa sakahan, sa ekonomiya, sa kultura, at sa pulitika. Sa pagbabago ng sistema, sana ay ang pagtrato sa kanila ay magbago na rin.

(c) Imahe mula sa UP Forum Newsletter 2012 Vol. 13 Page 4

Ibinahagi niya rin ang dismaya niya sa gobyerno na hindi kinikilala ang kanilang kultura, at sa halip ay pinipilit silang magpabinyag sa Katolisismo upang makakuha ng baptismal certificate para mapaaral ang kanyang mga anak. Sa halip na respetuhin ang kanilang sariling paniniwala, nababalewala ito sa gamit ng mga istratehiyang ito.

Hinikayat niya rin ang kanyang mga kapwa kababaihan na tumindig at wakasan ang diskriminasyon na nagaganap sa labas ng kanyang pamayanan. Ikinuwento niya na paglabas nila ng Zamboanga, patung-patong ang mga natatanggap niyang label. Siya na nga ay katutubong menorya, na isa ring babae. Ani niya, “Doble-doble ang pagkabiktima sa amin, tinuturing na pinakamababa sa lipunan. HIndi narerecognize na may kakayahan kami, may kapasidad…” Dahil rito, ipinahayag niya ang nais niya na magkaisa at tumindig lahat ng kababaihan, at wakasan ang diskriminasyon na ito.

“Dapat pantay-pantay lang. Pantay ang lahat ng tao sa sambayanan.”

Mga Sanggunian:

Daligang, H. (1981, October). The Subanen of Zamboanga del Sur. Said to be the first tribe to practise birth control. In Population Forum (Vol. 7, No. 4, pp. 9-12).

Foucault, M. (1982). The Subject and Power. Critical Inquiry, 8(4), 777-795. Retrieved from http://www.jstor.org/stable/1343197

Hall, William C. (1987). Aspects of Western Subanon Formal Speech. The Summer Institute of Linguistics Publications in Linguistics, 1(5), 1-7.

Imbing, T.M.V. & Viernes-Enriquez, J. (1990). A Legend of the Subanen "Buklog" Asian Folklore Studies, 49(1), 109-123. doi:10.2307/1177951

Lucero, R. (2003). Philippine Studies, 51(4), 644-647. Retrieved from http://www.jstor.org/stable/42633674

Maranan, E.B. (n.d.). Subanen History. Retrieved from http://www.subanen.org/subanen-History.pdf

Valdez, A. V., & Canapi, S. (2015). Healing Beliefs and Practices among Subanen and Mansaka. International Journal of Social Science and Humanity, 5(1), 100.

Mga Sipi galing kay:

Condez, Nenita Sabbukom nok G'tawsubanen. (2016, Oktubre 24). Lakbayan at Lakbayani: Panayam sa mga “Katutubo” at “Moro” sa UP Diliman.


bottom of page