top of page

Pilipinas: Nakausad na ba tayo sa Diskriminasyon?

Ang diskriminasyon ay isang problemang wari’y hindi masusugpo. Nananatiling malaking usapin ito sa ating bayan. Ilang hakbang na ang sinubukang isangkatuparan para ito’y maiwasan. Ilan sa mga hakbang na ito ay ang pagtatalaga ng mga batas na nagbibigay parusa sa sino mang manliit ng kayang kapwa, ayon sa mga kondisyong napagkasunduan. Ang mga kondisyong ito ay maaring nakatuon lamang sa isang kategorya ng grupo ng tao, o kondisyon ayon sa kung saang lugar o larangan ang batas na ito ay ipapatupad.

Ilan sa mga batas na naipatupad laban sa diskriminasyon ay mga batas ukol sa pagpapahalaga sa mga kababaihan tulad ng sinasabi sa Artikulo II, Seksyon 14 ng 1987 Philippine Constitution na ang kababaihan ay mahalaga sa pagbubuo ng bayan at sila’y pantay lamang sa katayuan ng mga lalaki. Isang halimbawa pa ay ang Republic Act No.9710 o tinatawag din na Magna Carta of Women of 2009 na nagbabawal ng kahit na anong sosyal na istruktura at kaugaliang nagpapalaganap ng hindi pantay na pagtingin sa kababaihan at kalalakihan.

Ang mga batas laban sa diskriminasyon ay isang proteksyon rin laban sa karahasan. Isang halimbawa ay ang Republic Act No. 7877 o ang Anti-Sexual Harassment Act of 1995 na hindi lamang sumasakop sa paglaban sa diskriminasyon sa mukha ng karahasan sa mga kababaihan kung hindi pati na rin sa lahat ng tao. Ang mga batas na nabanggit ay naghahangad ng pagsugpo sa diskriminasyon ayon sa kasarian ng tao.

Masasabing mayroon ngang mga batas laban sa diskriminasyon, ngunit hindi pa rin sapat ang mga ito para matugunan ang kabuuang sakop ng mga taong nakararanas ng pangmamaliit. Kaya, patuloy pa rin ang laban ng mga mamamayang Pilipino na nakararanas ng diskriminasyon hindi lamang base sa kanilang uri at katayuan sa buhay, kung hindi pati na rin sa kanilang sekswal na oryentasyon.

Naging malaking usapin ang pagpasa at pagsuporta ng ilang mambabatas sa Anti-Discrimination Act of 2011. Sinasabi rito na paparusahan ang sino mang manliliit o magsasagawa ng diskriminasyon sa larangan ng hanapbuhay o trabaho, edukasyon, “delivery of goods”, “facilities and services”, akomodasyon, transportasyon, media at sa mga “investigatory activities”. Nasasakop ng batas na ito ang malaking bilang ng mga Pilipino sa pagproteksyon sa kanilang mga karapatan bilang manggagawa. Ito ay isang paraan ng pagsugpo sa diskriminasyon base sa katayuan at uri ng tao. Isang malungkot na katotohanan lamang na ito ay hindi pa na aaprubahan bilang batas.

Pagdating naman sa usaping diskriminasyon sa sekswal na oryentasyon ng isang tao, walang kahit na ano mang batas ang nagbabawal sa homosekswalidad, wala rin namang batas na pumoprotekta dito. Patuloy ang laban ng LGBT community sa paghahangad na magkaroon ng batas na magpoprotekta sa kanilang mga karapatan tulad ng Anti-Discrimination Law na hindi pa rin na aaprubahan. Isang bersyon nito ay ang House Bill 5687 na nagbibigay proteksyon at pantay na pagturing sa SOGI sa larangan ng trabaho, edukasyon, organisasyon, kalusugan, hustisya at “access” sa mga piling pasilidad at serbisyo. Sa katunayan, ang nasabing bill ay hindi lamang sumasakop sa LGBT, kung hindi sa pangkalahatan.

Sa kabila ng kakulangan sa batas pambansa na nagbibigay proteksyon sa mga nakararanas ng diskriminasyon, mayroon din namang mga ordinansang laban dito na naipatupad sa mga piling lungsod. Ilan sa mga probinsya, lungsod at munisipalidad na ito ay ang Batangas, Mandaue City, Vigan, Candon City, Dagupan, Angeles, Quezon City, Antipolo, Probinsya ng Cavite, Bacolod, Sa Julian, Cebu City, Agusan Del Norte, Davao City, at Puerto Princesa.

Sanggunian:

http://pages.upd.edu.ph/ejmanalastas/policies-ordinances

Official Gazette of the Republic of the Philippines, www.gov.ph

www.rappler.com (Fritzie Rodriguez, “The Long Road to an LGBT Anti-Discrimination Law”, February 16, 2016)


bottom of page