top of page

Ang "Power Relations" sa Lipunan ni Sisa

Ang pamana websayt na ito ay nakalayon sa pananaliksik sa ugnayang-pangkapangyarihan sa lipunan ng Pilipinas, partikular na dito ang pagsusuri sa paksa ng diskriminasyon na lumilitaw galing sa nasabing ugnayang-pangkapangyarihan. Ang mga pagsusuri at paghihinuha na gagawin sa diskurskong ito ay manggagaling sa mga ideya, konsepto at pag-iisip na nakabalot sa pagbabasa sa karakter ni Sisa, sa loob ng nobela ni Rizal.

Kahit na kathang-isip lamang ang Noli Me Tangere, pansamantalang ituturing ito bilang lehitimong representasyon ng lipunan na pinanggalingan at tinuligsa nito—ang Pilipinas sa kapanahunan ni Rizal. Kung gayon, gagamitin ang mga pahiwatig, mga opinyon at mga mungkahi na matatamo sa pagbabasa ng nobelang ito bilang mga pagsasalamin at mga angkop na paghihinuha patungkol sa lipunan ng Pilipinas.

Napili ng aming pangkat ang diskurso ng ugnayang-pangkapangyarihan, higit na partikular, ang paksa ng diskriminasyon sa kadahilanang ang diskriminasyon ay isang importanteng suliranin sa lipunan, ano pa man ang kapanahunan nito; kung gayon, ang isyu na ito ay makikita rin sa lipunan ng Pilipinas noong 19-dantaon. Bukod pa rito, dahil ang diskriminasyon at ugnayang-pangkapangyarihan ay may masalimuot na ugnayan, naniniwala ang aming pangkat na mas maiintindihan ang isyu ng diskriminasyon kung ang pagtatalakay dito ay nakabatay sa balangkas ng ugnayang-pangkapangyarihan.

Itatakda din sa pagsusuring gagawin ang panukala na ang ugnayang-pangkapangyarihan sa lipunan ay makikita/mababatid sa mga pagtanaw, pasabi, at komento ng ibang tao sa isa’t isa; makikita ito sa pag-trato ng mga tao sa kapwa. Samakatwid, sa konteksto ni Sisa bilang isang karakter ng Noli, masasapantaha ang ugnayang-pangkapangyarihan na pinagbabatayan ng karakter niya sa mga sinasabi, kuro-kuro at pag-iisip ng iba pang tauhan sa Noli tungkol sa katauhan niya.

Kung gayon, maaari sigurong itanong ng mambabasa: bakit nasa sentro ng gagawing diskurso ang karakter ni Sisa? Base sa naunang artikulo sa websayt na ito na nagpapakilala kay Sisa, at pati na rin sa mga popular na kaalaman tungkol sa Noli, si Sisa ay hindi lamang isang tauhan na nakadama marahil ng pinaka malubhang kapighatian sa kwento, siya rin, at ito’y aming pagsisikapang ipakita, ay isang prinsipal na biktima ng diskriminasyon ng iba pang tauhan sa kwento ng Noli.

Si Sisa ay hindi lamang isang tauhan na nakadama marahil ng pinaka malubhang kapighatian, siya rin ang prinsipal na biktima ng diskrimnasyon. Ang litrato ay iniangkat mula sa: “Project Gutenburg, EBook of Noli Me Tangere, as translated by Pascual Poblete” http://www.gutenberg.org/files/20228/20228-h/20228-h.htm

Bukod pa rito, si Sisa, katulad ng iba pang pangunahing tauhan ng nobela, ay isang karakter na nakadaupang palad ng halos lahat ng iba pang tauhan sa kwento; halos lahat ng taga-San Diego ay nakakakilala kay Sisa. Dahil dito, masasabing malaki ang saklaw ng impluwensiya ng karakter ni Sisa sa iba pang tauhan ng Noli at ganoon rin ang ibapang karakter kay Sisa. Kung ipapasok ngayon ang naunang mungkahi tungkol sa Noli bilang representasyon ng lipunan, ang pagiging bantog ng karakter ni Sisa ay nagpapahiwatig na ang isyu ng diskriminasyon, na sinisimbolo ni Sisa, ay panlahatan; ito ay extensibo, bawat isang mamamayan ay sangkot dito.

Isa pang mahalagang punto na napansin sa muling pagbabasa ng Noli Me Tangere, sa pokus ng karakter ni Sisa, ay ang iba’t ibang pananaw ng ibang tauhan patungkol kay Sisa; halimbawa na dito ang makatwirang pagtrato ng Alferez kay Sisa:

  • Dalhin mo ang babaeng ito…pakainin mo siyang magaling at bigyan mo ng isang magaling na higaan…ikaw ang bahala, pagkat siya’y inyong pinaglupitan!—Alferez, Chapter XXXIX (“Si Doña Consolacion”)

kahambing ng mala aliping pakikitungo naman ni Dona Consolacion:

  • Vamos, magcantar ikaw!—Dona Consolacion kay Sisa, Chapter XXXIX (“Si Doña Consolacion”)


Mag-asawa man ang Alferez at ang Doña, magkaparehas man ang kanilang katayuan sa lipunan, kitang-kita ang pagkakaiba ng kanilang pagtrato, anupa’t, ang paghuhusga nila sa pagkatao ni Sisa! Kung gayon, mahihinuha sa ganitong mga kaso ang saligan ng diskriminasyon kay Sisa, na tumatagos pa sa uri o katayuan ng isang tauhan ng kwento; ito’y nakaugat sa mas malalim na ideya ng kapangyarihan at paggamit ng kapangyarihan para piliting idikta ang kilos at ugali ng iba—ang ugnayang-pangkapangyarihan.

Bilang huling patnubay, ang mga siping kinuha sa Noli ay maihahati sa tatlong klase: 1) mga sipi mula sa ibang tao patungkol kay Sisa, tulad ng mga naunang nasabi galing sa Alferez at kay Doña Consolacion, 2) mga siping mula mismo kay Sisa, na nag-sasaad ng panig ng mga biktima ng nasabing diskriminasyon, at panghuli, 3) mga sipi at komento ng mismong tagapagsalaysay, na nag-uudyok sa mambabasa na mas pag-isipan pa ang mga kahulugan ng mga pangyayari kay Sisa. Mula rin sa mga komento ng tagapagsalaysay, mahihinuha ang direktang ideya ni Rizal tungkol sa mga pangyayari at sa iba’t ibang pagpapakahulugan kay Sisa—nakapaloob na dito ang isyu ng diskriminasyon.

Mga Sanggunian:

Rizal, J., Noli Me Tangere, isinalin sa wikang Filipino ni Pascual H. Poblete, nabawi mula sa: “Project Gutenburg, EBook of Noli Me Tangere, as translated by Pascual Poblete” http://www.gutenberg.org/files/20228/20228-h/20228-h.htm


bottom of page