Sa dalawang nobela ni Jose Rizal, maraming uri at katangian ng babae ang kanyang ipinakilala. Bawat babae na ipinakilala niya ay matuturing na kakaiba sa bawat isa, at may natatanging katangian. Isa na dito ay si Sisa. Sino nga ba si Sisa, at bakit siya mahalaga at katangi-tanging karakter sa Noli Me Tangere?
Una, mahalagang kilalanin muna siya. Sa Kabanata 16 ng Noli Me Tangere, na pinamagatang “Sisa”, nakalahad dito ang kanyang pisikal na itsura. Sinasabi na kabataan pa siya, at napakaganda ng pisikal na anyo, katulad na lamang ng kaniyang kaluluwa. Simpleng tao rin lamang siya at isang dukha. Nilarawan siya ni Rizal na:
“Asawa ng isang walang pusong lalaki, nagsisikap siyang mabuhay alang-alang sa mga anak habang palaboy-laboy at nagsasabong ang bana. Winaldas nito sa bisyo ang ilang piraso ng alahas ng babae, at nang wala nang maitustos ang matiising si Sisa sa mga kapritso ng bana, noon nagsimula ang pagmamalupit nito sa kanya. Mahina ang loob, higit na malaki ang puso kaysa isip, umibig lamang at umiyak ang alam niya. Para sa kaniya, isang diyos ang bana at mga anghel ang mga anak.”
Sa talata na ito, masasabi kung gaano kamahal ni Sisa ang kanyang asawa kahit na siya ay abusado. Patuloy pa rin siya sa pagtanggap dito at pagmamahal kahit nasasaktan na siya.
Maliban dito, mahal na mahal ni Sisa ang kanyang mga anak, si Basilio at Crispin. Makikita sa Kabanata 16 na ang bawat aksyon niya, at halos ang bawat hininga niya ay nakalaan para sa kanilang dalawa. Halimbaw na lamang, napakasipag ni Sisa sa paghahanda ng kanilang hapunan, nang sa gayon ay mabusog ang mga anak niya at mawala ang pagod nila. Iniisip niya rin ang kabutihan ng mga anak sa pamamagitan ng pagpasok sa dalawa bilang sakristan, para sila ay matutong magbasa at magsulat.
Ang larawan na ito ay kinuha mula sa: http://philurbanlegends.blogspot.com/2015_04_01_archive.html
Katulad ng ibang mga ina, madalas at natural lamang para kay Sisa na mag-alala sa kanyang mga anak. Ang katangian na ito ay higit lamang na nagpapakita kung gaano niya pinapahalagahan si Basilio at Crispin.
Ngunit sa kasamaang palad, kahit na puno ng pagmamahal si Sisa, hindi naging mabuti ang pakikitungo ng mga tao at ng kapalaran sa kanya. Masasabing nagsimula ang paghihirap ni Sisa nang malaman niya na pinagbintangan na nagnakaw si Crispin, at nang muntik nang mapatay ng mga guardiya sibil si Basilio sa kanyang pagtakas. Ang pangyayaring ito ay humantong sa pagtawag sa kanya bilang “ina ng mga magnanakaw.” Dahil siya ay kinilala ng mga guardiya sibil sa ganoon turing, siya ay dinakip at inutusan na sumama sa kanila. Nagdulot ito ng kahihiyan para kay Sisa at naramdaman niya na napakababa niya bilang tao. Sa pangyayaring ito, ipinapakita na importante para kay Sisa ang kanyang dignidad at reputasyon, kahit na siya ay isang dukha lamang.
Higit pang napahiya si Sisa noong makita siya ng mga tao sa bayan sa gitna ng dalawang guardiya sibil at biglaan na lamang sinampal ng isang babae. Dito makikita na labis siyang pinahirapan kahit na inosente naman siya sa mga pangyayari. Pagkatapos nito, saglit lamang siyang nagkaroon ng katahimikan, sapagkat pagbalik niya sa kanyang tahanan ay wala pa rin si Basilio at Crispin. Marahil dito ay naramdaman ni Sisa ang kawalan ng pag-asa, na inilalarawan sa pangungusap na ito:
“Maaring sabihin na umaandap-andap na ang ilaw ng bait at malapit nang mamatay.”
Tuluyan na ngang nawalan ng pag-asa si Sisa sapagkat di niya alam kung anong gagawin, at wala man lamang tumutulong sa kanya. Dahil dito, hindi lamang pag-asa at ang mga anak niya ang nawala, ngunit nawalan din siya ng bait. Napakabigat ng pagdurusa na pinagdaanan niya at hindi na niya ito matiis, kahit pilitin pa niya.
Gayundin, ang huling pagdurusa na naranasan ni Sisa ay mula kay Doña Consolacion, na pinaglaruan lamang siya. Pinagsasayaw niya si Sisa sa harap ng mga tao, at pinapalo ito kapag tumitigil. Sinasabi pa nga sa Noli na muntik nang mamatay si Sisa mula sa mga palo ni Doña Consolacion.
Sa kabuuan, kahit na naging mapagarugang ina si Sisa at masunurin na asawa, ay naging biktima siya sa loob at labas ng kanyang tahanan. Biktima siya sa loob ng tahanan dahil sa pang-aabuso, at sa pagmamahal na hindi man lang naibalik ng kanyang asawa. Biktima siya sa labas ng kanyang tahanan, o sa lipunan, dahil siya ay napahiya, napagbintangan (hindi lamang siya kung di ang kanyang pinakamamahal na mga anak na nakaapekto sa kanya), at pinaglaruan o pinagkatuwaan ng mga tao sa paligid. Dahil sa mga pagdurusang ito, siya ay pinagkaitan ng kasiyahan, pagmamahal at kalayaan, na nagdulot sa kanya ng isang masalimuot na buhay.
Sanggunian:
Almario, V. (Trans.). (2011). Sisa. In J. Rizal (Author), Noli Me Tangere (pp. 98-102). Quezon City: Adarna House.
Almario, V. (Trans.). (2011). Kuwento ng Isang Ina. In J. Rizal (Author), Noli Me Tangere (pp. 134-140). Quezon City: Adarna House.