top of page

Konsepto Ng Kabayanihan Ng Mga Subanen: Anong Masasabi Ni Rizal?


“Kapag meron kang kapasidad tapos lider ka sa komunidad at hindi ka nanloloko, eksakto ang pamamalakad mo sa buong tribo, at itinuturing kang pinuno ng komunidad, kinikilala ka na bilang bayani.”


Ang masa o ang komunidad ang palaging nagtatakda ng kabayanihan sa mga Subanen. Sila ay may malaking papel rin sa pagsusulat ng batas, at sa paghahatol ng parusa. Subalit, ang mga gawain tulad ng paghuli ng tulisan na umatake sa komunidad ay hindi sapat upang mahirang na bayani. Kinakailangan talaga ang pamumuno at pagkakaroon ng kapasidad na protektahan ang komunidad na pinaglilingkuran kung ihihirang na bayani. Kabutihang loob lamang ang pagprotekta at pagdepensa sa pisikal na komunidad; ang tunay na kabayanihan ay nakapaloob sa pagprotekta sa kabuuang kamalayan ng komunidad. Ang pagdating ng bayaning ito ay mangangahulugan ng pagwawakas ng mga suliranin nila sa komunidad at pakikiisa sa kanila ng gobyerno, lalo na sa usapin ng lupa.

Isa sa mga tinatanghal nating bayani si Dr. Jose P. Rizal. Iba rin ang kanyang pananaw sa konsepto ng kapangyarihan noong panahon niya. Kung gagamitin ang kanyang mga kaisipan, paano kaya natin mabibigyan ng solusyon ang mga suliraning kinakaharap ng mga Subanen?


Ang kaakuhang Pilipino ay kadalasang binubuo ng dalawang elemento: ang nasyonalismong kultural at ang matuwid na pamayanan. Nakasalalay ang sagot natin sa problema ng diskriminasyon sa konsepto ng isang matuwid na pamayanan. Ito’y isang ideya ni Rizal na naimpluwensiyahan ng mga kaisipan noong panahon ng “Age of Enlightenment”. Sa dami ng mga nagsusulat rito, maitatampok natin si Johann Gottfried Herder bilang isang malaking impluwensiya ni Rizal sa kanyang nosyon ng bansang Pilipinas. Ilan sa mga ideya ni Herder na nakaimpluwensiya kay Rizal ayon kay Quibuyen ay ang sumusunod:

  1. Pagrerespeto sa likas na kahalagahan ng integridad ng mga katauhan at bawat isang yugto ng kasaysayan

  2. Pagpapahalaga sa impluwensiya ng mga salik na heyograpikal at salik na pangklima

  3. Epekto ng kasaysayan sa pagbuo ng kultura ng isang bayan

  4. Pagkilala, pagrespeto, at pagpapahalaga sa dignidad, kalayaan, at unibersal na karapatang-pantao ng bawat isang miyembro ng pamayanan.

Mahuhugot natin ang dalumat ng isang solusyon sa diskriminasyon sa ating bansa mula sa una at sa ika-apat na nakaimpluwensiyang ideya kay Rizal. Bahagi ng pagiging matuwid na pamayanan ang pagrespeto sa likas na kahalagahan ng integridad at karapatang-pantao ng mga katauhan sa lipunan. Sa konteksto ng power relations, maihahalintulad natin ang diskriminasyon sa pagtanggi or pagbabalewala ng isang nakalalakas (hal. namumuno) sa karapatan ng isang taong mas mababa ang estado sa lipunan (hal. pinamumunuan). Kung gayon, mahalagang tanungin kung may pamantayan ba si Rizal sa dalawang aktor na ito sa larangan ng diskriminasyon.

Maaaring kunin ang kasabihang “vox populi, vox dei” o “tinig ng taong-bayan, tinig ng Diyos” bilang isang pagbubuod ng imahe ni Rizal sa bansang Pilipinas. Naniniwala si Rizal na ang bawat isang tao, mula sa mga pinuno hanggang sa madla ay may obligasyong kumilos ayon sa tamang moralidad. Sa bahagi ng mga pinuno, kinakailangan mayroon rin silang konsepto ng “obligasyong politikal.” Makikita ang paliwanag ni Rizal sa konseptong ito sa ikapitong kabanata ng El Filibusterismo, kung saan nagtatalo si Isagani at si Ginoong Fernandez ukol sa mga kakulangan at pagkakamali ng mga prayle sa edukasyon ng bansa. Sinasabi rito ni Rizal na kusang nagkakaroon ng obligasyon ang isang namumuno sa kanyang mga pinamumunuan. Ito ay obligasyong isaayos ang kalidad ng resulta ng kanilang gawain, tiyakin ang pagyabong ng kanilang sambayanan, at isulong ang pagkakaroon ng kaginhawaan ng kanilang mga mamamayan. Bukod pa rito, bilang mamamayan rin ang mga pinuno, kailangan rin silang sumunod sila sa isang etikang pamantayan upang mapanatili ang integridad ng pamayanan. Kung ipagsasanib natin ang dalawang konseptong ito, maihahalintulad natin ito sa modernong konsepto ng accountability. Dapat ang bawat pinuno ay may accountability sa kanilang sambayanan. Hindi lamang iyon, dapat sila ay may moral accountability. May pamantayan ng moralidad na sinusundan dapat ang mga pinuno, at kailangan ng accountability upang maipatupad ang pamantayang ito. Samakatuwid, kailangang suriin sa ating lipunan ngayon ang mga sumusunod: una, sinusunod ba (basahin: alam manlang ba nila) ang etikang pamantayan ng ating mga pinuno, at ikalawa, mayroon ba silang moral accountability? Ibig sabihin, kung sila ay nagsagawa ng kasamaang tulad ng diskriminasyon, mabibigyan ba sila ng tamang hatol at rehabilitasyon?


Sa mga pinamumunuan naman, magagamit pa rin ang konsepto ng moral accountability sa kanila. Sa konsepto ni Rizal ng nasyon, kahit ang mga ordinaryong mamamayan ay may obligasyong politikal at moral accountability. Ang kanilang ispesipikong obligasyon ay isulong ang tinatawag nating “common good” o kaya’y ang kabutihan ng lahat. Dito nanggagaling ang tinatawag na grassroots community development na konsepto ni Rizal. Nakaugat sa mga maliliit na gawaing para sa kabutihan ng lahat ang pag-unlad tungo sa kaginhawahan, at bahagi ng kaginhawahan ang pagtingin kung nasusunod ba ang karapatan ng mga tao. Hindi sapat na sumusunod lamang ang bawat isa sa etikang pamantayan. Para kay Rizal, kailangang aktibong lumalaban ang mga mamamayan kontra sa mga kaapihan at mga kilusang walang katarungan. Narito na ngayon ang dalawang lebel ng tanong na kailangan nating i-diin para sa mga mamamayan. Una, nabibigyan ba ng tamang hatol at rehabilitasyon ang mapagtangi at mapaghating (ie. discriminatory) mga kilos at kaisipan ng mga taong-bayan? Ikalawa, tumutulong ba ang bawa’t isa sa pagsulong ang karapatang-pantao ng kapwa nilang Pilipino? Sumasali ba sila sa paglaban ng karapatan ng kapwa Pilipino?


Sa pagsagot ng mga tanong para sa mga namumuno/nakalalakas at sa mga mamamayan, makikita natin na nagkukulang pa tayo rito. Marami tayong mga opisyal at mamamayan na hindi nabibigyang katarungan ang mga pagkakasala. Nagkukulang tayo sa tamang pagpapatas sa ating lipunan. Ito nga ay dahil kinakailangan pang isapuso ng bawat tao ang konsepto ng moral accountability at obligasyong politikal nila para sa bayan. Mas pundamental pa rito, kinakailangan ring itaguyod, idiin, at irespeto ang unibersal na karapatang-pantao ng lahat. Ang maalab na paglaban ni Rizal para rito ay ebidensiya na ng kahalagahan nito. Sa mata niya, dapat walang ibig-sabihin ang uri at ang katayuan ng isang tao sa bansang Pilipinas sapagkat lahat ay magkapareho lamang ng karapatan. Sa konteksto ng ating panahon ngayon, pati na rin ang diskriminasyon ayon sa kasarian at sekswalidad ay mapapawalang-bisa rin dahil nga kahit sino ay may unibersal na karapatang-pantao. Ito ang magiging batayan ng solusyon sa diskriminasyon sa Pilipinas - ang simpleng pagrespeto sa karapatang-pantao ng ating mga kapwa Pilipino. Mahuhugot rin dito ang moral accountability at obligasyong politikal ng taumbayan bilang pananggol sa karapatang-pantao, at samakatuwid, ang pagpuksa sa diskriminasyon.


Paano ito maisasagawa? Gaya nga ng sabi ni Rizal, ang solusyon ay may dalawang bahagi: ang panloob, kung saan lahat ay dapat sumunod sa etikang pamantayan at irespeto ang karapatan ng bawat isa, at ang panlabas, kung saan dapat isulong ng bawat isa ang pag-unlad ng lipunan, at ang karapatan at hustisya para sa bawat isang tao.

Sanggunian:

--. (2016). Moral Accountability: Business Ethics. Business Ethics. Web. 15 Nobyembre

Quibuyen, Floro C. (2009). A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony, and Philippine Nationalism. 2nd ed. Quezon City: Ateneo De Manila. Print.

Mga Sipi galing kay:

Condez, Nenita Sabbukom nok G'tawsubanen. (2016, Oktubre 24). Lakbayan at Lakbayani: Panayam sa mga “Katutubo” at “Moro” sa UP Diliman.


bottom of page